Korupsyon
by: Fr. Anton CT. Pascual
Marami ang nagsasabi na ang korupsyon ay kakambal na ng ating henerasyon.
Nuong 2007, nailathala pa sa New York Times na ayon sa mga expatriate businessmen, ang Pilipinas ang pinaka-corrupt sa buong Asya.
Sa ngayon, kahit pa pinipilit natin na labanan ang korupsyon, ito pa rin ang isa sa pinakamabigat na rason kung bakit tayo ay nanataling mahirap.
Unang-una, malaking pera ang ating ina-allot para lamang hulihin ang mga “big fish” ng graft and corruption sa bansa. Andyan na nga ang impeachment trial, andyan na nga ang iba pang programa ng ating Ombudsman upang matanggal ang corruption sa mga government business deals, andyan na rin ang mga kaso sa korte laban sa mga gumawa ng korupsyon at pandaraya.
Ang mga ito ay mga hakbang upang parusahan ang mga nang-umit at nandaya. Sapat ba ito upang matakot ang mga taong ma-ngurap, o dumadagdag lamang ito sa problema?
Ang korupsyon kasi ay marami ng masidhing epekto sa lipunan. Halimbawa, dahil sa korupsyon sa military, ang pera na maari sanang magamit para sa modernisasyon ay nalustay, at ngayon ay tila tayong mga bubuwit na nabu-bully dahil kulang tayo sa gamit at training pang-militar. Isa pang halimbawa – dahil sa korupsyon, corrupted na rin at distorted ang isip ng marami sa ating kapulisan. Sa halip na sila ay maging “protektor” ng bayan, naging protektor na sila ng tong, ng mga ilegal na activities, ng mga sindikato.
Ang korupsyon kasi ay para ng greek mythological creature na si Hydra. Habang pinupugutan mo ang isang ulo nito, tinutubuan ito ng dalawa pa. Kailangan natin ng mas magandang stratehiya upang maiwaksi ang korupsyon, na lalaban sa ma gumagawa nito at hindi naman nagpapabaya sa mga nararamdaman ng epekto nito. Sa ngayon kasi, sa halip na masugpo ito, nagdadala lamang ito ng backlash na humahati sa mga tao habang ang mga epekto nito ay patuloy pa ring nagpapahirap sa marami.
Ayon sa panlipunang turo ng simbahan, ang common good ay dapat nating maging pamantayan sa pag-iiisip ng mga hakbang na makakabuti para sa bayan. Ayon nga sa Gaudium et Spes, “Every social group must take account of the needs and legitimate aspiration of other groups, and even of the general welfare of the entire human family.”
Sa pamamalakad natin sa ating bansa, sa paglaban natin sa korupsyon, pakaisipin natin, tayo ba ay naging “inclusive” sa ating mga desisyon? Ang kapakanan ba ng marami ay isa sa ating mga naging batayan? Mga points to ponder ito, lalo sa ating mga policy-makers na sa ngayon, ay humaharap sa mahirap na laban sa korupsyon.
Short URL: http://www.filamnation.com/?p=26892















