Search:
Advanced Search
Radyo Veritas: Veritas Editorial by Fr. Anton CT Pascual

Pananalig sa panahon ng kawalan ng seguridad

Ilang buwan na lamang at eleksyon na. Ngunit tila mailap pa rin ang kasiguruhan ng mas maliwanag na kinabukasan sa bansa.

Hanggang ngayon, di natin masigurado kung magiging matagumpay ba ang automated elections. Nababalot ng duda ang proseso nito. Pumapalpak lagi sa mga field testing ang mga voting machines. Naantala rin ang pagdating nito sa bansa mula Tsina. At hanggang ngayon, hindi alam ng mga botante kung paano sila boboto pagdating ng eleksyon. Ayon sa isang survey ng SWS, 47 percent  sa kanilang na-interview ang natatakot na masabotahe ang mga counting machines. 44 percent naman ang nagtitiwala na maayos ang gagawin na pagbilang ng COMELEC.

Andyan din ang banta ng karahasan. Hindi pa nga natatapos ang paglilitis tungkol sa Maguindanao massacre, kaliwa’t kanan na ang mga balita ukol sa election-related violence. Sa isa pang survey ng SWS nuong 2008, 69 percent ng Mindanao Muslims ang nagsabi na ang karahasan tuwing eleksyon ay tila normal na.  41 percent naman ang nagsabi na mas nag-aalala sila sa kanilang personal na seguridad tuwing dumarating ang eleksyon.

At tulad ng dati, nakakalito na ang mga pasaring ng mga kandidato sa isa’t-isa. Habang lumilipas ang panahon, hindi natin nakikilala ang tunay na magagawa ng ating mga kandidato. Wala pang kongkretong platapormang nailahad. Ngunit nailantad na ata lahat ng kanilang mga kasalanan at pagkukulang sa publiko.

Isang maliwanang na gabay mula sa ating Simbahan ang nilabas ng CBCP kamakailan. Ayon sa Catechism on Family and Life for the 2010 Elections, importante na ang ating paniniwala sa Diyos ay magamit natin ng kongkreto sa ating pang-araw-araw na buhay. Paalala pa ng dokumento, hindi lamang tayo anak ng Diyos, anak din tayo ng ating bayan. Sa pagdating ng eleksyon, dapat nating gampanan ang mga obligasyon na kaakibat ng ating pagiging anak ng Diyos at ng bayan. Sa pamamagitan ng pagninilay at pag-aaral ng Salita ng Diyos, matutunan din nating gawin ito.

Mahirap ang magtiwala at kumilos lalo pa’t nababalot ng kadiliman ang kapaligiran. Ngunit sa panahon na kawalan ng seguridad, tanging si Hesus lamang ang ating pinakamatatag na sandigan. At kung siya ang ating batayan, sigurado tayo na kahit ano pang pagkilos ang ating gagawin, ito ay makakabuti para sa marami.

Napakalaki ng hamon ng ating kasalukyang sitwasyon sa mga ordinaryong mamamayan. Tayo ay tinatawag na magtiwala at kumilos upang masigurado na hindi na natin mauulit pa ang mga pagkakamali ng ating kasaysayan. Nawa’y tanggapin natin ng buong lakas ang hamon na ito.

Delicious Digg Facebook Fark MySpace
Views: 28 views    Report Inappropriate Content
All Articles
Fil-Am News  (516 articles)
Immigration  (60 articles)
Malacanang Press Office  (270 articles)
News from the Motherland  (12332 articles)
Philippine Consulate  (581 articles)
Radyo Veritas  (791 articles)